MANILA, Philippines – Kumbaga sa barilan ay naunahan sa ‘draw’ ng Gin Kings ang Bolts para sa serbisyo ni versatile Michael Dunigan.
Sinabi ni Barangay Ginebra team manager Alfrancis Chua na pumirma na ng kontrata sa kanila ang 6-foot-9 na si Dunigan, dating naglaro para sa Air21 noong 2013, para pumarada sa darating na PBA Commissioner’s Cup na pakakawalan sa Enero 27.
Iginiya ni Dunigan ang Express sa quarterfinal round ng 2013 Commissioner’s Cup mula sa kanyang mga averages na 23.9 points, 15.4 rebounds, 3.3 assists at 2.4 blocks sa 15 laro.
Kasalukuyang naglalaro si Dunigan para sa koponan ng Canton Charge sa NBA D-League.
Tatapusin ni Dunigan ang D-League Showcase sa Santa Cruz, California bago bumalik ng Pilipinas ngayong linggo para makasama ang Gin Kings at si head coach Ato Agustin, pumalit kay Jeffrey Cariaso.
Ang iba pang imports na paparada sa PBA Commissioner’s Cup ay sina Marqus Blakely ng nagdedepensang Purefoods, Richard Howell (Talk ‘N Text), DJ Covington (Alaska), Arinze Onuaku (San Miguel), PJ Ramos (Kia), Solomon Alabi (Barako Bull), Chris Charles (Blackwater), Al Thornton (NLEX), Kenny Adeleke (Rain or Shine) at CJ Leslie (Globalport). Tanging ang Meralco na lamang ang wala pang reinforcement.