MANILA, Philippines - Ipinapanalangin ng PSC na makakatugon na ang Department of Justice sa hinihinging opinyon hinggil sa pag-alis ng mga Pambansang atleta sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nangangailangan na ang ahensya ng opinyon dahil nasa kamay ng PSC ang kontrata na magbibigay ng pahintulot na okupahan ang 50-ektarya na pag-aari ng Clark International Airport Corporation (CIAC).
“May kopya na kami ng kontrata at nakasaad dito na ipinahihiram sa amin ang lupa sa loob ng 25 taon sa halagang P1 kada taon at renewable sa isa pang 25 years,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Itatakda anumang araw ang lagdaan ng mga opisyales ng PSC at CIAC ngunit hindi pa rin agad na makakakilos ang ahensya kung pagpapatayo ng pasilidad ang pag-uusapan.
Ito ay dahil wala pang desisyon ang DOJ na hiningian ng legal opinion kung may lalabaging batas ang PSC kung iiwan ang pamamahala sa sports complex.
Balak ng ahensya na isauli ang pamamahala sa Maynila kapalit ng P3.5 bilyon na gagamitin sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa Clark.
“Nasa batas na ang PSC ang mamamahala sa Rizal Memorial Complex kaya ito ang hinihingian namin ng opinion sa DOJ para maging maayos ang lahat. Ang huling komunikasyon ng DOJ ay pinag-aaralan pa nila itong mabuti para makapagpalabas ng tamang opinion,” dagdag ni Garcia.
Matagal nang itinutulak ng PSC at ng POC ang mailipat ang mga pambansang atleta sa Complex dahil sobra na ang polusyon dito at hindi na angkop ang mga pasilidad na ginagamit para pagsanayan. (ATan)