Isang panalo na lang at babalik na sa San Miguel ang PBA Philippine Cup title.
Matagal-tagal na rin nang huling mapanalunan ng Beermen ang titulo na dating tinatawag na All-Filipino. Sa mga PBA titles ay ito ang pinakamabigat.
All-Filipino kasi. Hindi pagalingan ng import.
Nung 2001 pa huling napanalunan ng San Miguel ang Philippine Cup sa pangunguna nina Danny Seigle at Danny Ildefonso at coach Jong Uichico.
Ginebra ang tinalo nila sa best-of-seven, 4-2.
Gutom din para sa Philippine Cup title ang Alaska. Taong 2000 nang huli nila itong matikman.
Nung Biyernes, kinuha ng San Miguel ang Game 5 kontra Alaska Milk para sa 3-2 lead. Isang panalo na lang, tapos na ang boksing.
Nag-palitan ng panalo ang dalawang koponan. Alaska sa Game 1. San Miguel sa Game 2. Alaska sa Game 3. San Miguel sa Game 4.
Nagping-pong sila.
At sa ganitong serye, kadalasan kung sino ang umusad ng 3-2 ay siyang nagiging champion. Ngayong gabi lalaruin ang Game 6.
Malamang kahapon pa lang ay naglagay na ng mga makukulay na lobo sa kisame ng Araneta Coliseum in case may victory celebration.
Nakasalalay sa mga kamay nina Arwind Santos at June Mar Fajardo kung kukunin na ng San Miguel ang titulo mamaya. At magiging malaking sagabal naman si Calvin Abueva sa kanilang ambisyon.
Sa Game 4, nagwagi ang San Miguel, 88-70, at sa Game 5 ang final score ay 93-88. Kung mapapansin n’yo, malabas ang numerong otso-otso.
Ang Game 6 mamaya ay ang Game No. 88 sa conference na ito kaya mukhang may pahiwatig na buwenas ito para sa San Miguel.
Magandang tayaan sa ending.
Good luck!