Amit muling ibabandera ang Pinas sa SEA Games

MANILA, Philippines - Hangad ni billiards ace Rubilen Amit na maipagpatuloy ang kanyang medal-winning streak sa Southeast Asian Games sa pamumuno niya sa Philippine women’s pool team na sasabak sa 2015 edition sa Singapore.

Palagiang nag-uuwi si Amit, ang unang Filipina na nanalo ng world title, ng gintong medalya sa naturang biennial meet sapul noong 2005.

Limang gintong medalya ang kanyang tinumbok sa SEA Games bukod pa sa dalawang pilak at dalawang tanso.

Nabigo lamang siyang makuha ang gold medal matapos pumangalawa sa kababayang si Iris Rañola sa 9-ball singles finals noong 2011 sa  Palembang, Indonesia.

Muling magtatambal sina Amit at Rañola sa Singapore SEA Games na na­katakda sa June 5-16 katuwang si teen sensation Cheska Centeno.

Nagwagi ang 15-anyos na si Centeno sa Asian juniors at nag-uwi ng bronze medal sa world junior championship noong nakaraang taon.

Sasabak ang mga  Pi­nay cuemasters sa 8-ball at 9-ball singles, ang tanging women’s events na nasa kalendaryo ng Singapore meet.

Inilaglag ng Singapore ang mga regular events na 10-ball, doubles at rotation.

“Maganda ngayon dahil malakas na ang team pero nakakahinayang dahil inalis ng host Singapore ang ilang events na puwede tayong manalo,” sabi ng two-time world 10-ball ruler na si Amit, No. 8 sa World Pool-Billiard Association’s global ran­kings.

 

Show comments