OKLAHOMA CITY --Nagposte si guard Russell Westbrook ng triple-double sa paghatak ng 17 points at career-high na 17 assists at dinuplika ang career best na 15 rebounds para pagbidahan ang Thunder sa 127-115 panalo laban sa Golden State Warriors.
Humugot si Westbrook ng 8 assists at 6 rebounds sa fourth quarter na siyang nakatulong para makalayo ang Thunder sa Warriors.
Kumamada naman si Kevin Durant ng 36 points, habang pinantayan ni Serge Ibaka ang kanyang career high na 27 points at nagdagdag ng 21 si Dion Waiters para sa Thunder.
Nauna nang naipatalo ng Oklahoma City ang tatlo sa kanilang huling apat na laro.
Ang kabiguan naman ang tumapos sa eight-game winning streak ng Golden State.
Tumipa si Klay Thompson ng 32 points, samantalang may 20 si Marreese Speights at 19 si Stephen Curry sa panig ng Warriors. Iniwanan ng Warriors ang Thunder sa kabuuan ng first half.
Subalit sa likod ni Westbrook ay inagaw ng Oklahoma City ang 69-60 kalamangan bago nagsalpak si Anthony Morrow ng 3-pointer sa dulo ng third quarter para ibaon ang Golden State sa 98-91.
Sa iba pang laro, tinalo ng Detroit ang Indiana, 98-96; binigo ng Memphis ang Orlando, 106-96; pinayuko ng Philadelphia ang New Orleans, 96-81; dinaig ng Brooklyn ang Washington, 102-80; pinatumba ng Chicago ang Boston, 119-103; at ginitla ng Atlanta ang Toronto, 110-89.