MANILA, Philippines - Hindi lamang sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. ang dapat magkasundo para maitakda ang kanilang mega showdown sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Dapat ding masangkot ang kanilang mga promotional network sa negosasyon.
Kinumpirma ni Stephen Espinoza, ang Showtime Sports Executive Vice President and General Manager Stephen Espinoza, sa The Associated Press, ang nangyayaring pag-uusap para maplantsa ang Pacquiao-Mayweather super fight.
“We’re making meaningful progress but if we were running a race we would still have a ways to go,” wika ng Showtime executive. “Everyone is trying to get to the finish line as soon as possible.”
Kagaya ni Pacquiao, sinabi ni Espinoza na handa rin si Mayweather na matuloy ang laban.
“Personally I’ve been involved in these negotiations continuously since the very first in 2009,” wika ni Espinoza. “I can say I’m not sure there’s a point where I personally observed him wanting it more than over the last few months.”
Ang 36-anyos na si Pacquiao ay nasa bakuran ng HBO Time Warner, habang ang 37-anyos na si Mayweather ay may exclusive contract sa Showtime/CBS.
Kamakailan ay inihayag ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyon ni Mayweather.
Ayon kay Arum, ang pirma na lamang ni Mayweather sa fight contract ang kanilang hinihintay.
Sinabi naman ni Espinoza na patuloy ang kanilang pakikipag-usap nang hindi ibinubunyag sa media.
“We all mutually agreed we’re not going to negotiate in the press. There’s been some misinformation out there and in general all sides realize that the less said publicly the better,” dagdag pa nito.
Ito ang sinasabing magiging pinakamalaking boxing event kung saan maaaring tumanggap si Mayweather ng premyong $120 milyon, habang $80 milyon naman ang makukuha ni Pacquiao base sa kanyang pagpayag sa 40/60 purse split.