Laro Bukas
(Smart Araneta Coliseum)
7:30 p.m. Alaska
vs San Miguel
MANILA, Philippines - Isang panalo na lamang ang kailangan ng Beermen para makamit ang kanilang pang-limang Philippine Cup at ika-20 kampeonato sa kabuuan.
Ito ay matapos talunin ng San Miguel ang Alaska sa ikalawang sunod na pagkakataon sa bisa ng 93-88 pananaig sa Game Five para angkinin ang 3-2 bentahe sa 2014-2015 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang giniba ng Beermen ang Aces, 88-70, sa Game Four noong nakaraang Miyerkules.
Matapos magtabla sa third period, 71-71, ay nagbida si rookie David Semerad para ibigay sa San Miguel ang 76-71 abante sa 10:51 minuto ng fourth quarter bago lumamang ang Alaska sa 79-78 sa 8:19 minuto nito.
Isang 11-3 atake ang ginawa ng Beermen para kunin ang 89-82 abante bago nakalapit ang Aces sa 86-89 sa huling 28 segundo mula sa dalawang free throws at basket ni Calvin Abueva.
Tuluyan nang sinelyuhan ng San Miguel ang kanilang panalo matapos ang apat na sunod na free throws nina Arwind Santos at Ronald Tubid sa nala`labing apat na segundo.
Samantala, kung hindi siya makakatanggap ng tawag mula sa anumang NBA teams matapos ang 2015 NBA D-League Showcase Cup Tournament na nakatakdang matapos sa Jan. 19 sa Kaiser Permanente Arena sa Santa Cruz, California ay may tsansang maglaro si dating Air21 import Michael Dunigan sa PBA Commissioner’s Cup.
Nagparamdam na ang Barangay Ginebra at ang Meralco ng interes na kunin ang versatile player na nakatakdang maglaro para sa Canton Charge sa D-League Showcase event.
Sinabi ni Ginebra team manager Alfrancis Chua na dalawa pang players na kasali sa naturang event, inilunsad noong 2005 bilang isang scouting tournament para sa mga NBA general managers, scouts at coaches, ang kanilang tinitingnan.
Nagtungo sina Meralco coach Norman Black at Purefoods Star mentor Tim Cone sa US para maghanap ng mga potential imports sa D-League Showcase.
Si Dunigan ang bumabandera sa Canton team bilang first round selection at No. 12 pick overall sa nakaraang D-League draft.
Ibabalik ng Talk ‘N Text si import Richard Howell na tumulong sa kanila para makapasok sa 2014 Commissioner’s Cup Finals bago natalo sa San Mig Coffee, ngayon ay Purefoods.
Ang iba pang imports na maglalaro sa Commissioner’s Cup na sisimulan sa Enero 27 ay sina 7-foot-4 Peter John Ramos ng Kia Motors, 7-foot-1 Chris Charles ng Blackwater, 7-foot-1 Solomon Alabi ng Barako Bull, 6-foot-8 Al Thornton ng NLEX at 6-foot-9 Arinze Onuaku ng San Miguel Beer.
San Miguel 93 - Santos 19, Fajardo 19, Lassiter 16, Kramer 9, Semerad 9, Tubid 8, Cabagnot 7, Lutz 4, Ross 2, Omolon 0, Pascual 0, Fortuna 0, Maierhofer 0, Chua 0.
Alaska 88 - Abueva 24, Baguio 19, Manuel 13, Thoss 11, Hontiveros 9, Jazul 9, Menk 2, Eman 1, Banchero 0, Casio 0, Dela Cruz 0, Exciminiano 0, Dela Rosa 0, Espinas 0.
Quarterscores: 21-23, 41-41, 71-71, 93-88.