MANILA, Philippines - Hindi isinama ng ABAP ang mga pangalan ng dalawang matitinik na boksingero na sina Mark Anthony Barriga at Charly Suarez sa listahan na ipinasa sa working committee na binuo ng POC.
Noong Miyerkules ay nagpulong ang committee sa pangunguna ni Chief of Mission Julian Camacho para sa long at short list ng mga sasaling NSAs at nakumpirma na talagang hindi isasama sina Barriga at Suarez ng ABAP.
“Iyon ang mga pangalan na unang hinanap ko at hindi sila kasama sa listahan ng ABAP,” wika ni POC 1st Vice President Joey Romasanta sa lingguhang POC-PSC On Air radio program sa DZSR kahapon,
Ang London Olympian at Myanmar SEA Games gold medalist na si Barriga at Incheon Asian Games silver medalist na si Suarez ang mga sinasandalan ng bansa para manalo sa Singapore SEA Games na gagawin mula Hunyo 5 hanggang 16.
Ang dalawa ay isasalang ng ABAP sa AIBA Pro Boxing na isa sa ilang qualifying events para sa 2016 Rio Games.
Mahalaga na ipasok ng lahat ng NSAs ang kanilang pinakamahuhusay na atleta dahil naghahabol ang Pilipinas na makabangon mula sa pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng pagsali sa SEAG na ikapitong puwesto noong 2013.
Sa isang statement ni ABAP president Ricky Vargas, ipinaliwanag niya na bagama’t pro ang pangalan, ang katotohanan ay mananatiling amateur boxers ang mga ito at puwedeng sumali sa iba pang AIBA events.
Ngunit sa alituntunin din ng AIBA, ang mga boxers na kasali sa AIBA Pro Boxing ay puwede na lamang makasali sa World at Continental tournaments at hindi na sa mabababang level na kompetisyon tulad ng SEAG.
Hiniling pa ni Vargas na pagkatiwalaan ang desisyon ng NSA at sila rin ang mananagot kung ano ang kalabasan ng desisyon.
Sang-ayon si Romasanta na ang ABAP ang mananagot sa kanilang ipinadalang listahan ngunit sa huli ay ang POC pa rin at hindi ang ABAP ang mananagot sa taumbayan kapag nabigo sa layunin na manalo sa Singapore.
“Ang SEAG, Asiad at Olympics ay hindi palaro ng ABAP kundi palaro ng POC. Hindi ang ABAP ang nagpapaliwanag kapag hindi maganda ang performance ng delegasyon kundi ang POC at ang PSC,” dagdag pa ni Romasanta.
Hinihintay pa ng POC ang opisyal na komunikasyon sa ABAP hinggil dito.
Dahil pro ang tournament nina Barriga at Suarez, pumasok na rin ang Games and Amusement Board (GAB) na dapat ay magpalisensya ang mga ito sa kanila na nakasaad sa batas. (AT)