MANILA, Philippines - Magkaroon ng momentum papasok sa tapatan ng dalawang tinitingalang koponan ang balak gawin ng Hapee Fresh Fighters sa pagharap sa Jumbo Plastic Giants sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Sa alas-2 ng hapon itinakda ang laban at ika-10 sunod na panalo para solohin uli ang pagtangan sa liderato ang makukuha ng Fresh Fighters kung dadaigin ang Giants.
Babalik sa Hapee ang mga higanteng sina Arnold Van Opstal at Ola Adeogun para lumakas ang puwersa ng koponan na pinangungunahan nina Bobby Ray Parks Jr. at Garvo Lanete.
“Kailangang maghanap kami ng challenge sa aming sarili dahil mahalaga ang magkaroon ng momentum pagpasok sa laro laban sa Cagayan Valley,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Ang Rising Suns ay hindi pa rin natatalo matapos ang siyam na laro at makakasukatan nila ang Hapee sa Enero 22.
May 6-3 karta ang Giants at kailangang manalo para okupahan ang ikaapat na puwesto at angkinin ang mahalagang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
Magkaribal ang Giants at pahingang Cebuana Lhuillier Gems sa ikaapat na puwesto pero sa 5-4 baraha ng Gems, hanggang anim na panalo lamang ang kanilang magiging best finish at kakapusin ng isa kung makaisa ang Jumbo Plastic sa huling dalawang laro.
Maghahangad din ang Bread Story-LPU Pirates ng panalo laban sa MP Hotel Warriors sa ikatlo at huling laro dakong alas-4 ng hapon.
May 3-5 karta ang Pirates na nakikipagtagisan sa pahingang Tanduay Lights Rhum Masters para sa ikaanim at huling upuan sa quarterfinals.
Ang unang laro sa alas-12 ng tanghali ay sa pagitan ng Racal Motors Alibaba at MJM M-Builders na isang no-bearing game na. (AT)