Ateneo booters nais magsolo sa itaas vs Tams

MANILA, Philippines – Itataya ng Ateneo ang hawak na ika­lawang puwesto sa pagharap sa nagdedepensang kampeon FEU sa 77th UAAP men’s football ngayon sa FEU Diliman Pitch.

Ang laro ay magsisimula dakong alas-3 ng hapon matapos ang pagkikita ng National University Bulldogs at La Salle Archers sa ganap na ala-1 ng hapon.

Matapos ang larong ito ay magpapahinga ang liga para magbigay-daan sa pagbisita sa bansa ng Santo Papa.

May 11 puntos ang 2013 champion Eagles habang ang FEU ay kasalo ng NU sa ikaapat na puwesto bitbit ang 10 puntos.

Kung manalo ang Ateneo ay makukuha nila ang liderato sa pahingang UP Maroons (13) dahil tat­long puntos ang maidaragdag sa kanilang marka.

Asahan na hindi magiging madali ang pakay na panalo ng Ateneo dahil galing ang FEU mula sa kahanga-hangang 9-1 demolisyon sa Adamson Falcons noong Linggo.

Show comments