MANILA, Philippines – Siya na marahil ang magiging pinakamalaking import na mapapanood sa darating na 2014-2015 PBA Commissioner’s Cup.
At siya rin ang makapagbibigay sa mga players ng Team Kia ng maraming pagkakataon para tumira sa labas.
“Talagang malaki ang maitutulong niya sa Team Kia, lalung-lalo na dahil malaki ang katawan niya tsaka malakas, hindi mag-aalanganag tumira sa labas ‘yung mga players ko,” sabi ni playing coach Manny Pacquiao kay seven-foot-three import Peter John Ramos.
Umaasa si Pacquiao na mapapaganda ng Sorento ang kanilang 1-10 win-loss record sa PBA Philippine Cup sa kanilang kampanya sa Commissioner’s Cup na magbubukas sa Enero 27.
Ang 29-anyos na si Ramos ay dating miyembro ng Puerto Rico national squad na gumulat sa US team na binanderahan ng mga NBA players, 92-73, sa preliminary round ng 2004 Athens Olympics.
Naglaro siya sa NBA para sa Washington Wizards.
Maliban kay Ramos, ang iba pang imports na paparada sa second conference ay sina 7’1 Solomon Alabi ng Barako Bull, Arinze Onuako ng San Miguel, dating NBA veteran Al Thornton ng NLEX, Chris Charles ng Blackwater, Rob Benson ng Globalport at ang mga nagbabalik na sina Marqus Blakely ng nagdedepensang Purefoods at Wayne Chism ng Rain or Shine.
Ang Blackwater, Kia, NLEX at Barako Bull ay binigyan ng karapatang magparada ng mga import na may unlimited height makaraang tumapos sa No. 12, 11, 10 at 9, ayon sa pagkakasunod, sa PBA Philippine Cup.
Ang mga imports naman sa ibang koponan ay dapat hindi lumampas sa 6’9.