Reporma sa SEAG officiating muling isusulong ng POC

MANILA, Philippines - Muling pagsisikapan ng Pilipinas na makuha ang atensiyon ng SEA Games Federation hinggil sa lu­malalang estado ng officia­ting sa tuwing kada dalawang taong  torunament.

Ayon kay POC president Jose Cojuangco Jr., igigiit uli ng bansa ang pagkakaroon ng reporma sa bagay na ito sa gagawing SEAG Federation Meeting sa Singapore sa Pebrero.

Tumaas ang kumpiyansa ng POC na may ma­kikinig sa panawagang matagal nang isinusulong dahil mismo ang pangulo ng Olympic Council of Asia (OCA) na si Sheikh Kahad Al-Sabah ay naniniwala sa ipinaglalaban ng bansa.

Si Al-Sabah ay namalagi sa bansa sa loob ng dalawang araw matapos manggaling sa Australia para sa isang  business trip.

“I mentioned it to the Sheikh and he said we should draw up a position letter that we can present in the next federation mee­ting in Singapore,” wika ni Cojuangco.  “The Sheikh said we can furnish him a copy of our position and even suggested that Mikee (Cojuangco-Jaworski) also be given a copy.”

Hindi na mabilang ang kaso ng masamang officia­ting sa mga atletang Pinoy sa SEA Games lalo na sa mga contact sports.

“We’re hoping that something positive comes out of our position,”  wika pa  ni Cojuangco na pangu­ngunahan ang isang POC Executive Committee mee­ting bukas.

Dumating si Sheikh lulan ng private plane at siya ay sinalubong ng mga POC officials tulad nina chairman Tom Carrasco Jr., 1st vice president Joey Romasanta, second vice president Jeff Tamayo at mga board members Steve Hontiveros, Julian Camacho at Cynthia Carrion.

 

Show comments