MANILA, Philippines – Magandang panimula ang ginawa ng 20-anyos triathlete na si Jared Macalalad nang kunin niya ang pangunguna sa nilahukang dibisyon sa 2015 PSC Aquathlon kahapon sa Philsports Complex sa Pasig City.
Ang 5’11 at third year marketing student sa San Beda Alabang ay kumarera sa adult category (2.2k run, 1k swim at 2.8k run) sa 16-19 at hindi niya pinaporma ang mga nakalabang sina Jimuel Patilan at Julius Constantino nang kakitaan ng lakas sa dalawang run legs tungo sa 29 minuto at 21 segundo tiyempo.
Si Patilan ang pumangalawa sa 29:53 habang pumangatlo si Constantino sa 30:42 oras.
Ang panalo ay magandang pagpapatuloy sa produktibong 2014 dahil si Macalalad ang lumabas bilang may pinakamagandang ipinakita sa mga junior triathletes ng bansa nang tumapos siya sa top ten sa mga international tournaments sa Chinese Taipei, Hong Kong at dalawa sa Thailand.
Dahil sa ipinakita, si Macalalad ang natatanging junior triathlete ng bansa na inimbitahan para dumalo sa ASTC Training Camp sa Hong Kong mula Enero 25 hanggang 31 para tingnan kung puwede siyang sanayin pa para makasali sa 2016 Rio de Janeiro o 2020 Tokyo Olympics.
“Maganda pong oportunidad ito para sa akin. Sa training camp titingnan ang performance ng mga inimbitahan at kung puwede ay bibigyan pa ng training para masama sa 2016 o 2020 Olympics. Nagpaalam na rin ako sa school kaya wala na pong problema,” wika ni Macalalad na napasok sa national pool noong 2013.
Sina Nikko Huelgas at Kim Mangrobang ay parehong nanalo rin at ang una ay kampeon sa 20-24 bitbit ang pinakamabilis na tiyempo sa adult na 28:40 habang ang huli ay nagwagi sa female 16-24 sa 33:11 oras.
Nanalo rin ang magkakapatid na Francheszka Ong Borlain (7-8), Tara Ong Borlain (11-12) at Samantha Ong Borlain (13-15) sa SuperTriKids habang sinimulan ng 14-anyos na si Brent Valelo ang taon sa panalo sa male 13-15 STK.
Si Valelo ang dapat na hinirang bilang Batang Pinoy duathlon champion pero napatawan ng limang segundo penalty dahil hindi maayos ang pagkakasuot ng helmet para pumangalawa na lamang sa karerang ginawa sa Bacolod noong Disyembre. (AT)