PBA D-League Aspirant’s Cup: Must-win sa Titans, Builders at Couriers

MANILA, Philippines – Nalalagay sa mahala­gang laro ang mga kopo­nan ng AMA U Titans, MJM M-Builders at Wangs Basketball Couriers sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Unang sasalang ang Titans kontra sa Café France Bakers sa ganap na alas-12 ng tanghali bago pumalit ang Builders at MP Hotel Warriors dakong alas-2.

Huling aksyon ay sa hanay ng Couriers kontra sa Cebuana Lhuillier Gems dakong alas-4.

May 3-6 baraha ang Titans habang parehong may 2-6 panalo-talo karta ang Builders at Couriers kaya’t pare-pareho silang nasa must-win situation para manatiling buhay ang tsansang makaiwas sa maagang bakasyon.

Tatlong sunod na talo ang nalasap ng AMA U at kailangan nilang ilabas ang nakatagong galing dahil ang Bakers ay nagba­balak na maipanalo ang nalalabing dalawang laro para sa mahalagang momentum sa quarterfinals.

May 7-2 baraha ang tropa ni coach Edgar Macaraya at okupado na nila ang isa sa dalawang bibigyan ng twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.

Talsik na ang Warriors sa liga pero hindi puwedeng maliitin ng Builders dahil disenteng pagtatapos ang habol ng koponang suportado ni Pambansang kamao Manny Pacquiao.

May limang sunod na talo ang bitbit ng Couriers sa pagharap sa Gems na sa 4-4 karta ay na­nga­ngailangan na maipanalo ang huling tatlong asignatura para puwede pang agawin ang huling twice-to-beat advantage sa susunod  na round.

Sa ngayon, ang Jum­bo Plastic Giants ang umo­okupa sa mahalagang  ikaapat na puwesto sa team standings sa 6-3 baraha.

Ang unang dalawang puwesto at awtomatikong nasa Final Four na ay ta­ngan na ng mga walang talong koponan na Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns. (AT)

Show comments