MANILA, Philippines – Kagaya ng dapat asahan, naging matalim ang mga mata ni PBA Commissioner Chito Salud kaugnay sa ilang maaksyong pangyayari sa Game Two ng 2014-2015 PBA Philippine Cup Finals noong nakaraang Biyernes.
Kabuuang P64,600 ang multang ipinataw ng PBA Commissioner’s Office sa mga players at officials ng San Miguel at Alaska.
Si Aces’ small forward Calvin Abueva ay pinagbayad ng kabuuang P15,600.
Ito ay sa P10,000 hinggil sa kanyang flagrant foul penalty 1 at P1,000 sa pag-trash talk niya kay Beermen star forward Arwind Santos, habang ang P3,000 ay sa kanyang flopping at ang P1,600 ay mula sa second motion technical foul kay Chris Ross.
Binagsakan ni Abueva ng kanyang siko si Santos matapos ang kanyang tira sa third period na nagresulta sa putok sa ulo ng PBA Most Valuable Player.
Si Santos ay pinagmulta ng P1,000 ukol sa kanyang pakikipag-trash talk kay Abueva na kapwa niya tubong Pampanga.
Si Alaska assistant coach Louie Alas ang nakatikim ng pinakamalaking multa sa halagang P20,000 dahil sa ginawa niyang panunuhod sa isang referee.
Dahil sa kanyang paninikmura kay Abueva sa first half ay pinagbayad si Ronald Tubid ng P10,000 at P3,000 dahil sa flopping.
Sina Dondon Hontiveros at rookie David Semerad ay kapwa pinagmulta ng tig-P5,000 dahil sa kanilang double foul. Si Vic Manuel ay pinagbayad ng P5,000 bunga ng flagrant foul penalty 1 nito kay Semerad.