Laro Ngayon
(The Arena,
San Juan City)
8 a.m. – EAC vs SSC (j)
10:00 a.m. – Lyceum
vs Perpetual (j)
12 nn – St. Benilde
vs San Sebastian (w)
2 p.m. – Perpetual
vs Arellano (w)
4 p.m. – Perpetual
vs Arellano (m)
6 p.m. – St. Benilde
vs EAC (m)
MANILA, Philippines - Nahaharap sa ‘must-win situation’ ang mga nagdedepensang Perpetual Help sa 90th NCAA volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Ang Lady Altas ay mapapalaban sa Arellano Lady Chiefs ngayong alas-2 ng hapon, habang ang Altas ay masusukat kontra sa Chiefs sa alas-4 at kailangang maipanalo ang mga laro para manatiling buhay ang paghahabol sa matagumpay na pagtatanggol sa titulo.
Naging bangungot para sa dalawang defending champions ang hinarap na laro laban sa mga koponan ng St. Benilde sa pagbubukas ng single round robin semifinals noong Miyerkules.
Nalagay sa peligro ang planong ikatlong sunod na kampeonato sa kababaihan nang lasapin ng Lady Altas ang 24-26, 22-25,18-25 pagkatalo sa Lady Blazers, habang ang four-time defending champion sa kalalakihan na Altas ay pinadapa ng Blazers, 12-25, 27-29, 25-19, 20-25.
Magsisilbing knockout game ang tagisan ng Altas at Chiefs dahil natalo ang huli sa Emilio Aguinaldo College Generals, 26-24, 19-25, 21-25, 17-25, sa unang araw ng Last Four.
Aasa ang Altas kina Bonjomar Castel at Rey Taneo na nagsanib sa 29 hits sa unang laro.
Ngunit dapat ding makitaan ang koponan ng matibay na depensa para manatiling palaban sa tiket sa finals.
Sa kabilang banda, dapat na umangat muli ang laro nina team captain Jamela Suyat at Ma. Lourdes Clemente para manaig sa Lady Chiefs na tinalo ang San Sebastian Lady Stags sa straight sets.
Sina Suyat at Clemente ay nagtala lamang ng siyam at walong hits, ayon sa pagkakasunod, laban sa Lady Blazers.
Sakaling manalo ang Lady Chiefs at Lady Blazers ay sila na ang maglalaban para sa kampeonato sa women’s division ng NCAA. (ATan)