MANILA, Philippines - Ang isang basketball player na kagaya ni Samboy Lim ay hindi basta-basta bumibigay sa mga laban.
Mapapatunayan ito sa kasalukuyang kondisyon ng 52-anyos na si Lim na patuloy na lumalaban sa ospital para sa kanyang buhay.
“With the will power of Samboy – malakas ang loob niyan eh,” sabi kahapon ni PAG-IBIG Fund chief executive Darlene Berberabe, ang dating asawa ni Lim, sa panayam ng ANC. “So wala akong duda. Kung doon lang nakabase ‘yun, alam ko na he will be able to recover.”
Kumulapso ang 6-foot-1 na PBA great sa bench matapos ireklamo ang pananakit ng mga balikat sa isang PBA Legends exhibition game noong Nobyembre 28.
Kaagad siyang isinugod sa ospital at nalagay sa comatose.
Sa pinakahuling kalagayan ni Lim ay nakapagbukas na ito ng kanyang mga mata.
“He’s been opening his eyes. Na-observe namin ‘yun two weeks ago,” wika ni Berberabe kay Lim.
Umaasa si Berberabe na ito na ang simula ng pagbuti ng kondisyon ni Lim, produkto ng Letran Knights ay isang two-time Second Mythical Team member at hinirang na All-Star Game Most Valuable Player matapos umiskor ng 42 points noong 1990.
“I hope that such milestones will start from the opening of the eyes. May iba na patients, they could not even open their eyes,” ani Berberabe.
Kasalukuyan pa ring sumasailalim si Lim sa antibiotic treatment at physical therapy at plano ng kanyang pamilya na maglagay ng isang hospital room sa kanilang tahanan.
“May mga konti na lang na tinatapos na antibiotic treatment and physical therapy, to train him to be upright and be able to sit,” sabi ni Berberabe.
“We were setting up a hospital room (at home), we’ve engaged around-the-clock nursing care, a doctor who will do home visits, and physical therapy at home,” dagdag pa nito para sa pag-uwi ni Lim.