Lady Chiefs lumapit sa finals ng women’s volleyball
MANILA, Philippines – Lumapit sa kanilang inaasam na pagbabalik sa finals ang Arellano University matapos talunin ang San Sebastian, 25-18, 25-19, 25-21, sa women’s division ng 90th NCAA volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nanguna sina Menchie Tubiera at CJ Rosario mula sa kanilang tig-14 hits para sa unang panalo ng Lady Chiefs sa semis.
Isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para makaabante sa best-of-three finals series.
Naglista sina Tubiera at Rosario ng pinagsamang 23 spikes at naging sandigan ng depensa ng Arellano na naglimita kay Gretchel Soltones at sa San Sebastian attackers.
Hangad ng Lady Chiefs ang kanilang ikalawang finals stint matapos matalo sa Perpetual Help Lady Altas noong nakaraang season.
Pinamunuan ni Soltones, isang Shakey’s V-League veteran, ang Lady Stags sa kanyang 15 points.
Umagaw naman ng eksena ang College of St. Benilde matapos gulatin ang three-peat champion Perpetual Help, 26-24, 25-22, 25-18, para sa hangad na finals berth.
Nagposte si Jannine Navarro ng 17 hits para sa nasabing tagumpay ng Lady Blazers laban sa Lady Altas.
Sa high school division, pinabagsak ng Perpetual Help ang Emilio Aguinaldo, 25-18, 23-25, 25-21, 25-20, habang giniba ng Lyceum ang San Sebastian, 21-25, 25-22, 25-22, 28-26, para makalapit sa finals berth.
Nagtala si Malden Deldil ng match-best na 23 hits, kasama ang 17 kills at 5 blocks, para igiya ang Junior Altas sa unang panalo sa single-round robin semifinals.
Susunod na lalabanan ng Las Piñas-based school ang Lyceum kung saan ang mananalo ang kukuha sa unang silya sa best-of-three finals series.
- Latest