MANILA, Philippines – Isasara ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Rizal Memorial Sports Complex mula Enero 10 hanggang 20 para ipagamit sa Philippine National Police (PNP) ang pasilidad bilang bahagi sa pangangalaga sa kaligtasan ni Pope Francis na bibisita sa bansa.
Nasa 15,000 police personnel ang gagamit sa Rizal Memorial Coliseum, Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Baseball Stadium bilang kanilang base habang binibigyan ng seguridad ang Santo Papa.
Si Pope Francis ay titira sa Papal Nunciature na nasa Taft Avenue.
“The Rizal will be closed to the public during those nine days,” wika ni PSC executive director Atty. Guillermo Iroy. “This is the PSC’s contribution to the Papal Visit. We will assist the PNP kung ano ang kailangan nila.”
Ang mga atletang naninirahan sa Complex ay hindi naman kailangang ilipat dahil kaunti lamang ang bilang nito.
Dahil sa pagkakasara ng RMSC, ang mga laro sa baseball at softball sa UAAP ay iniurong.
Ang softball ay magbubukas sa Enero 24 sa isang triple-header habang kinabukasan ang simula ng laro sa baseball na parehong gagawin sa Rizal Memorial Diamond.