MANILA, Philippines – Bagama’t nagretiro na sa National team, patuloy pa rin ang paglalaro ni dating Azkals captain Chieffy Caligdong.
Ang 32-anyos na si Caligdong, nagretiro sa National team noong nakaraang taon, ay maglalaro sa United Football League (UFL) bukod pa sa pagtapik sa kanya bilang assistant coach ng De La Salle-Zobel football team sa UAAP juniors dibisyon.
Isa rin sa plano ni Caligdong ay ang palakasin ang antas ng paglalaro ng mga batang booters upang mahasa pa ang kanilang talento.
“As early as ma-expose sila sa laro, the better,” wika ni Caligdong na isa ng C-license coach at inaasahang tatapikin sa hinaharap para maging mentor ng isang koponan.
Ginawang ehemplo ni Caligdong ang 19-anyos na si Amani Aguinaldo na gumaling nang gumaling matapos ilagay sa starting role sa Azkals na kumampanya sa 2014 Asian Football Conferederation (AFC) Challenge Cup at sa 2014 Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup makaraang magkaroon ng injury si Juani Guirado.
“Last year, alam niya nag-contribute siya. After two years, alam na niya paano dalhin ang back four. Pero kailangan muna mag-learn siya. Kami naman dumaan din sa ganyan bago natuto,” dagdag pa ni Caligdong.
May mga batang manlalaro siyang kasapi sa UFL at nakikita niya ang pag-usbong ng mga ito sa mga susunod na taon.
Sinasabing may plano na isama siya sa isang national youth team na lalaro sa labas ng bansa sa taong ito. (OL)