Donaire posibleng lumaban sa Macau

Si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa isa niyang training session.

MANILA, Philippines – Kung hindi maitatakda ang unang laban ni 2012 Fighter of the Year Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa Pilipinas ay posible itong gawin sa Macau, Chi­na.

Ito ang nakikitang op­syon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa pag­babalik sa boxing ring ni Donaire ngayong taon.

“The first possibility, I was contacted by a network in the Philippines, ABS-CBN, was that he would fight in March in Ma­nila. If that’s not going to happen then the backup plan is he could go in Macau in May,” wika ni Arum sa panayam ng Thaboxing­voice.com.

Dadalhin ng 32-anyos na Filipino boxing star ang kanyang 33-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.

Nanggaling sa masaklap na kabiguan si Donaire matapos mapabagsak ni Nicholas Walters ng Jamai­ca sa sixth round noong Ok­tubre 18 sa Carson, Ca­li­fornia para sa undercard ng Gennady Golovkin vs. Marco Antonio Rubio bout.

Inagaw ni Walters kay Do­naire ang suot nitong WBA (Super) featherweight crown.

Para ngayong 2015, si­nabi ni Arum na gusto sana niyang ilaban si Donaire sa Marso sa Manila o sa Ma­cau.

Ngunit nakatakdang su­­mabak sa aksyon si Chi­nese superstar Zou Shi­ming sa naturang buwan pa­­ra sa kanyang unang world title fight kontra kay IBF flyweight champion Amnat Ruenroeng ng Thailand.

Wala pang inihahayag na pangalan si Arum para makatapat ni Donaire, magbabalik sa super bantamweight division.

“Donaire will fight either March in Manila or in May in Macau,” ani Arum. (RC)

Show comments