Donaire posibleng lumaban sa Macau
MANILA, Philippines – Kung hindi maitatakda ang unang laban ni 2012 Fighter of the Year Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa Pilipinas ay posible itong gawin sa Macau, China.
Ito ang nakikitang opsyon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa pagbabalik sa boxing ring ni Donaire ngayong taon.
“The first possibility, I was contacted by a network in the Philippines, ABS-CBN, was that he would fight in March in Manila. If that’s not going to happen then the backup plan is he could go in Macau in May,” wika ni Arum sa panayam ng Thaboxingvoice.com.
Dadalhin ng 32-anyos na Filipino boxing star ang kanyang 33-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.
Nanggaling sa masaklap na kabiguan si Donaire matapos mapabagsak ni Nicholas Walters ng Jamaica sa sixth round noong Oktubre 18 sa Carson, California para sa undercard ng Gennady Golovkin vs. Marco Antonio Rubio bout.
Inagaw ni Walters kay Donaire ang suot nitong WBA (Super) featherweight crown.
Para ngayong 2015, sinabi ni Arum na gusto sana niyang ilaban si Donaire sa Marso sa Manila o sa Macau.
Ngunit nakatakdang sumabak sa aksyon si Chinese superstar Zou Shiming sa naturang buwan para sa kanyang unang world title fight kontra kay IBF flyweight champion Amnat Ruenroeng ng Thailand.
Wala pang inihahayag na pangalan si Arum para makatapat ni Donaire, magbabalik sa super bantamweight division.
“Donaire will fight either March in Manila or in May in Macau,” ani Arum. (RC)
- Latest