ASTC kinilala ang coaching program ng TRAP

MANILA, Philippines - Kinilala ang programa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) sa technical officials at coaches development nang ilagay sa ‘developed status’ ng  Asian Triathon Confederation (ASTC).

Sinuri ng ASTC kamakailan ang 35 kasaping bansa at pinuri ang ginawang programa ng TRAP sa pangu­nguna ng pangulo at POC chairman Tom Carrasco Jr.

Naisama ang Pilipinas sa China, Hong Kong, Japan, Kazakhstan, Korea, Malaysia at Singapore sa developed category sa technical officials dahil dalawa sa pitong Asian officials na may basbas ng International Triathlon Union (ITU) ay mga Filipino.

Ang parami ng parami na bilang ng ITU-certified coaches ang nagtulak para maging developed ang status ng coaching program ng TRAP habang isinama ang Pilipinas sa 6th hanggang 15th puwesto kung athletes development ang pag-uusapan.

Ang pagkilala ng ASTC ay patunay na nasa tamang direksyon ang kanilang programa at mas palalakasin pa ito sa 2015.

“Our goal for 2015 is for Philippine to be accorded developed status in all three areas,” wika ni Carrasco.

Samantala, magsisimula ang mga palaro ng TRAP sa Enero 11 sa pamamagitan ng PSC Aquathlon sa Philsports sa Pasig City.

Matapos nito ay gagawin ang unang edisyon ng 2015 National Age Group Triathlon (NAGT) Series sa Sands of Triboa sa Subic Bay Freeport.

Mahalaga ang NAGT sa taong ito dahil ginamit ng TRAP ang karera para magsilbing qualifying event para sa 2016 Philippine National Games.

Ang Subic leg ay para sa Luzon triathletes habang ang Visayas qualifier ay sa Sipalay, Negros Occidental habang ang Mindanao qualifier ay sa Cagayan de Oro City.

Ang mga petsa ng karerang ito ay iaanunsyo sa mga susunod na araw. (AT)

 

Show comments