MANILA, Philippines - Taong 2002 nang huling naganap ang isang laban sa pagitan ng dalawang tinitingalang boksingero sa mundo ng heavyweight.
Ito ay ang pagkikita nina Lennox Lewis at Mike Tyson at bagama’t wala na sa peak ng kanilang mga boxing careers ay gumawa ng kasaysayan ang laban nang kumita ito ng halos $2 million sa pay-per-view.
Sa laban ding ito nangyari ang pagsasama ng magkaribal na networks na HBO at Showtime.
May posibilidad na masira ang record na ito kung magkakasundo sina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. para magsukatan sa taong ito.
Isa si Lewis sa nagsasabing dapat na mangyari ang mega-fight na ito para muling mapasaya ang mga mahihilig sa boxing na kanilang ginawa ni Tyson.
“There’s a few fights I want to see in 2015 but Mayweather-Pacquiao is still a top of my list,” wika ni Lewis sa Boxingscene. “Stop the madness and make it happen.”
Maaari ring wala na sa pinakamagagandang porma sina Pacquiao at Mayweather pero nakikita pa ni Lewis na mauulit ang kasaysayan na kanilang itinala ni Tyson.
“If we could make Lewis-Tyson happen with HBO and Showtime, they can get it together for Mayweather-Pacquiao and make history again,” ani pa ni Lewis.
Inaasahan na magkakaroon ng linaw ang usapin hinggil sa pinakaaasam na laban na ito sa buwan ng Enero lalo pa’t may nagaganap na paunang usapan ang Top Rank sa pangunguna ni Bob Arum at Leslie Moonves na pinuno ng CBS na nagmamay-ari sa Showtime na kung saan si Mayweather ay may dalawang laban pang bubunuin sa six-fight contract na pinirmahan. (AT)