MANILA, Philippines - Ginamit ng NLEX Road Warriors ang 2014 PBA D-League para maibalik ang magandang reputasyon sa koponan na kanilang naging tungtungan sa pag-akyat sa Philippine Basketball Association (PBA).
Si Boyet Fernandez pa rin ang dumiskarte sa koponan at nagawa niyang ibangon ang Road Warriors mula sa pagkatalo sa Blackwater Sports Elite sa Foundation Cup sa pagtatapos ng 2013.
Nagkaroon ng pagkakataon na mabalikan ng Road Warriors ang Elite nang nagkrus uli ang kanilang landas sa finals ng Foundation Cup at tunay na nakita ang galit ng bataan ni Fernandez nang walisin ang kanilang best-of-three series sa 90-77 at 81-78 iskor.
“This championship is a lot sweeter because we swept the team that beat us two conferences ago,” bulalas ni Fernandez.
Ito na ang huling conference ng NLEX at makulay ang kanilang pamamaalam dahil hindi sila natalo matapos ang 13 laro.
Ito rin ang ikaanim na titulo ng NLEX sa pitong finals appearance, markang iiwan ng koponan na dapat higitan ng ibang teams na gustong makilala bilang pinakamahusay sa ligang itinataguyod ng PBA.
Bago ito ay kinuha ng NLEX ang core players ng San Beda Red Lions sa pangunguna nina Ola Adeogun, Baser Amer at Kyle Pascual para isama sa mga datihan at Cadets pool members Kevin Alas, Matt Ganuelas at Garvo Lanete bukod pa sa mga kamador tulad ni Ronald Pascual at defensive player Kirk Long.
Sa Aspirants’ Cup ay napahanga agad ng koponan ang mga panatiko nang kunin ang liderato sa pagtatapos ng elimination round at umabante agad sa semifinals.
Tinuhog nila ang Hog’s Breath Café, 85-72, para makarating sa best-of-three finals laban sa Big Chill Superchargers na tinalo ang Elite, 89-78, sa deciding Game Three sa kanilang semifinals series.
Ngunit laban sa Road Warriors ay hindi umubra ang lakas ng Big Chill sa pangunguna ng beteranong sentro na si Reil Cervantes upang lasapin ang 79-75 at 88-70 pagkatalo.
“Redemption ang hanap namin this year at masaya ako at nagawa namin ito,” ani Fernandez.