MANILA, Philippines – Pagtutuunan ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) sa 2015 ang pagtulak sa tatlong lady chessers para maging kauna-unahang Woman Grzandmaster ng bansa.
Sa panayam kay NCFP executive director GM Jayson Gonzales, sinabi niya na bibigyan ng pederasyon ng mainit na suporta ang mga Woman International Masters na sina Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda at Mikee Suede para makuha ang dalawa pang GM norms sa papasok na taon.
“Wala pa tayong WGM sa Pilipinas pero malaki ang posibilidad na magkakaroon na tayo dahil sina Frayna, Fronda at Suede ay nakakuha na ng tig-isang GM norm. Kailangan pa nila ang dalawa at gagawin ng NCFP ang lahat para makuha nila ito sa taong 2015,” ani Gonzales.
Dahil kabilang na ang chess sa priority sports ng Philippine Sports Commission (PSC) kaya’t magkakaroon ang pederasyon ng dagdag pondo at gagamitin ito para makalaro sa ibang bansa ang tatlong lady chessers.
“Ang plano rin ay magkaroon ng apat na international tournaments sa Pilipinas at isa rito ay para sa kababaihan upang matulungan ang tatlong ito sa dalawang GM norms,” pahayag pa ni Gonzales.
Si Frayna ay may ELO rating na 2277 habang sina Fronda at Suede ay may 2123 at 2069.
Nasa kalendaryo rin ng NCFP na palakasin ang mga local tournaments para makahubog ng mga mahuhusay na manlalaro dahil ang chess ay hindi kasama sa gaganaping 2015 SEA Games sa Singapore.
Noong hindi pa kasama ang chess sa priority sports ay nabibigyan sila ng pondo na nagkakahalaga ng P14 million.
Naniniwala si Gonzales na puwedeng madagdagan ito ng P5 million sa taong ito upang maisulong ang mga pinaplanong programa sa 2015.