Walang personalan. Trabaho lang.
Tila ito ang mensahe ni Arwind Santos ng San Miguel Beer kay Talk ‘N Text team consultant na si Tab Baldwin matapos ang konting girian na naganap sa kanilang dalawa nung Biyernes.
Tinapos ng Beermen ang best-of-seven series laban sa Tropang Texters, 100-87, sa MOA Arena. Winalis nila ang Talk ‘N Text sa serye, 4-0.
Patapos na ang laro nang makawala si Arwind at makatanggap ng isang pasa. Fastbreak play. Isang matinding dakdak ang ginawa ni Arwind sa harap ng SMB bench.
Hindi ito nagustuhan ni Baldwin. Garbage dunk ang tawag dito.
Matapos ang final buzzer, nagkaharap ang bagong hirang na Gilas Pilipinas head coach at si Arwind. Pero imbes na congratulations ay umalma daw si Baldwin.
Bakit daw kailangan pa ni Arwind na idakdak ang bola gayung patapos na ang laro at tambak na nga naman ang Talk ‘N Text.
Ang feeling ni Baldwin ay pang-aasar ang ginawa ni Arwind.
Sa tingin ko, walang masama rito.
All alone si Arwind at sa harap ng bench nila nagsisimula nang mag-celebrate. Dala na rin siguro ng adrenalin niya ay dinakdak niya ang bola at naglambitin pa sa ring.
Ano ang gusto ni Baldwin? Tumigil na lang si Arwind pagkatanggap ng bola at ilatag ito sa court?
Buti sana kung sa harapan ng bench ng Talk ‘N Text nangyari ang final play at matapos dumakdak ay nagsasasayaw si Arwind sa harap nila Baldwin.
Yun ang pang-asar.
Dedicated daw sa fans ng San Miguel ang ginawa niyang dunk. Hindi para kay Baldwin o kay Ranidel de Ocampo.
From Arwind, with love.