MANILA, Philippines - Dahil pinaniniwalaan ni Chris Algieri na malaking bagay ang istilo ng isang boksingero para manalo sa laban kaya’t hindi siya naniniwala na mananalo si Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr. sakaling matuloy ang tagisan ng dalawa sa 2015.
Ang 5’10 na si Algieri ay anim na beses na humalik sa lona nang tangkain niyang agawin ang WBO welterweight title ni Pacquiao noong Nov. 23 sa Cotai Arena sa Macau, China.
Kinikilala ni Algieri na mahusay na boksingero ang Pambansang Kamao pero mahihirapan siya at matatalo sa istilo ni Floyd na sinasandalan ang depensa at counter-punching.
“It’s about styles, styles, styles. Manny is a great fighter but I don’t think he’s going to match up well with Floyd” wika ni Algieri sa panayam ng Hit First Boxing.
Napatunayan na hirap si Pacman sa isang mahusay na counter puncher dahil ganito ang istilo ng Mexicanong si Juan Manuel Marquez na noong 2012 ay pinalasap siya ng pinakamasamang pagkatalo sa isang sixth round knockout.
Dahil din sa ganitong istilo ni Mayweather kaya’t nakikita rin ni Algieri na hindi ito magandang panoorin.
Nang balikan ang nangyari sa kanilang laban ni Pacquiao, tinuran ni Algieri na ang malawak na karanasan ng natatanging 8-division world champion ang lumabas sa tagisan.
“He’s experience. He’s a great fighter and he showed that in that fight,” pahayag ni Algieri.