MANILA, Philippines – Nagpatuloy ang dominasyon ng Army habang nakatikim din ng kampeonato ang Petron para pasiglahin ang ikalawang taon ng Philippine Superliga.
Ipinarada uli ang mga mahuhusay na spikers na sina Rachelle Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista at magaling na setter na si Tina Salak sa All Filipino Cup na nagbukas noong Mayo 16, hindi pinaporma ng Lady Troopers, na suportado ng Generika, ang RC Cola-Air Force Raiders sa one-game finals, 25-22, 25-19, 25-16, tungo sa kanilang ikatlong sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sportscore.
Pitong koponan ang sumali at ang Army ay nakatabla sa liderato sa 4-2 baraha ng Raiders at Petron pero dahil mas maganda ang quotient ay dumiretso na sa Final Four ang unang dalawang koponan.
Nagkatagisan ang Petron at PLDT Home TVolution Power Attackers at expansion team AirAsia Flying Spikers at Cagayan Valley Lady Rising Suns sa quarterfinals at pinalad na lumusot ang PLDT at AirAsia.
Nakatapat ng Flying Spikers ang Generika na umani ng 3-0 panalo habang dumaan sa fifth set ang tagisan ng RC Cola at PLDT at pinalad na nagwagi ang Raiders.
Hindi sumali ang Army sa ikalawang conference na Grand Prix habang dalawang expansion teams na Foton Tornadoes at Mane ‘N Tail Lady Stallions ang lumahok para magkaroon pa rin ng anim na koponan ang naglaban sa ligang kinakitaan ng tig-dadalawang imports.
Masuwerte ang Petron dahil gumanda na ang laro ng kanilang top rookie pick na si Dindin Santiago bukod sa paghugot ng mahuhusay na imports sa katauhan ng spiker na si Alaina Bergsma at setter na si Erica Adachi.
Ang Generika na sinuportahan ang manlalaro ng AirAsia na ang core players ay mula sa La Salle, ang siyang nakalaban ng Petron sa finals.
Ngunit hindi umubra ang karanasang taglay ng manlalaro ng Generika na pinalakas sa paghugot kina Natalia Kurobkova at Miyo Shinohara dahil yumuko sila sa 3-1 iskor.
Si Bergsma ang siyang lumabas bilang MVP at ang Petron na hawak ni coach George Pascua ang siyang kakatawan sa Pilipinas sa Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Vietnam sa Setyembre.
“Wala pa kaming dalawang taon pero masasabi naming gumaganda ang mga laro sa PSL.
Sisikapin naming itaas pa ang level ng competition sa 2015 para mas maging kapana-panabik ang matutunghayan na laro ng mga manonood,” wika ni Sports Core president Ramon “Tats” Suzara.