MANILA, Philippines – Pupuntiryahin nina national players Sarah Joy Barredo at Ros Leenard Pedrosa ang pangunguna sa Sun Cellular-Ming Ramos National Junior Badminton Tournament national finals ngayon at bukas sa SM North Edsa Annex, Quezon City.
Ang 17-anyos na si Barredo, na kampeon sa girls singles U-19 sa Manila leg, at si Pedrosa, kampeon ng boys’ U-19 singles, ang mga napapaboran laban sa mga makakalaban na nagpasikat sa ibang regional eliminations sa Visayas at Mindanao.
Mangunguna sa hahamon kay Barredo si April Dianne Bibiano na siyang nagkampeon sa Visayas leg.
Bukod sa singles ay paglalabanan din ang titulo sa boys’ and girls’ doubles at mixed doubles sa under 13, 15, 17 at 19.
Ang kompetisyong ito ay may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA) at bahagi ng Philippine National Ranking System.
Tumutulong para maisagawa ang torneo ang Sun Cellular, SMART Communication, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, PBA Smash Pilipinas, Prima Pasta, Rocktape Phils at Babolat bukod sa Forthright Events.