3 title fights nakalinya sa Elorde boxingfest
MANILA, Philippines - Itataya ni Rex “Igorot Warrior” Wao ang kanyang WBC international bantamweight title laban sa dating one-time world challenger na si Silvestre Lopez sa isa sa tatlong title fights na handog ni Gabriel “Bebot” Elorde bukas ng gabi sa The Flash Grand Ballroom sa Elorde Sports Center, Parañaque City.
Sasalang din ang dating WBC international bantamweight na si Denis Tubieron kontra kay Carlo Magali para sa bakanteng WBC international featherweight title habang idedepensa ni Tosho Aoki ng Japan ang kanyang IBF Australian lightweight title kontra kay Rengga Rengga ng Jakarta, Indonesia.
Magpapainit sa tatlong title fights na ito na handog ng Elorde International Production ay ang pagkikita nina Rolly Sumalpong ng Elorde Stable laban kay Michael Landero ng Wild Card Gym sa isang 10-rounder.
Hindi pa natatalo ang 24-anyos na si Wao matapos ang 10 laban at walo rito ay kanyang pinatulog para ipakita ang bangis ng magkabilang kamao.
Unang pagdepensa rin ito ni Wao sa kanyang titulo na napanalunan matapos talunin sa pamamagitan ng seventh round knockout si Virden Rivera noong Hunyo 25.
Makikilatis ang lakas ni Wao dahil si Lopez ay beterano ng 33 laban at mayroong 22 panalo bukod sa 16 KO.
Masidhi ang hangarin ni Lopez na manalo para makabangon sa dalawang mapapait na pagkatalo na nalasap ngayong taon sa mga dayuhang sina Alexis Boureima Kabore ng Bukina, Faso at Rey Vargas ng Mexico para WBC International super bantamweight title at WBC Youth Silver super bantamweight title noong Setyembre at Nobyembre.
- Latest