MANILA, Philippines - Hindi isa kundi posibleng tatlong paghaharap ang mangyayari sa pagitan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Sa panayam sa batikang trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach na isinulat ni Edward Chaykovsky ng Boxingscene.com, ibinunyag niya na multi-fight contract ang pinag-uusapan ngayon nina Top Rank’s CEO Bob Arum at CBS CEO Les Moonves.
“Doing a multi-fight contract, I thought that was the best idea in the world,” wika ni Roach. “I would love to see these two guys fight more than once.”
Sinasabing pinag-uusapan nina Arum at Moonves ang pagkakaroon ng ‘rematch clause’ ang kontrata ng dalawang boksingero.
Si Arum ang promoter ni Pacman habang ang pinamumunuan ni Moonves na CBS ang siyang may-ari ng Showtime na may six-fight contract na pinirmahan kay Mayweather mula 2013.
Dalawang laban pa ang kulang para makumpleto ang deal kaya’t ang pagkakaroon ng rematch ang seselyo sa kanilang samahan at tiyak ding magpapasok ng malaking kita sa network.
Kaya naman naniniwala si Roach na kung magkatabla sina Mayweather at Pacquiao ay tiyak na magkakaroon ng isa pang laban para makita kung sino ang tunay na mahusay sa dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito.
“If they split the first two, we could have a third…there could be a rubber match. We could have three big fights,” paliwanag pa ni Roach.
Hindi ito ang unang pagkakataon na mangyayari kay Pacquiao ang trilogy dahil ginawa niya ito kay Mexican legend Eric Morales na kanyang tinalo sa huling dalawang laban para makabawi sa pagyuko sa unang pagkikita.
Hinigitan ni Pacquiao ang trilogy na ito sa isang quadrilogy laban sa isa pang tinitingalang Mexicon champion na si Juan Manuel Marquez.
Hindi pa nagkakaroon ng trilogy si Mayweather at dalawang boxers lamang ang nakaharap niya ng dalawang beses sa kanyang career at ito ay sina Jose Luis Castillo (2002) at Marcus Maidana (2014).