Para makahubog ng Papalit KAY so, NCFP sasandal sa suporta ng PSC

MANILA, Philippines - Sasandalan ng Natio­nal  Chess Federation Phi­lippines (NCFP) ang mas malaking suporta na ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) para kuminang uli ang larong chess sa international tournaments na sasalihan.

Napilayan ang chess nang lisanin ni GM Wesley So ang Pilipinas para isuot ang uniporme ng US. Si So ay nasa ikasampung puwesto sa FIDE Ranking bitbit ang ELO rating na 2762.

Aminado ang NCFP na malaking kawalan si So pero puwedeng makahubog ng kanyang makakapalit matapos ilagay ang sport bilang sa priority list ng PSC.

“Wala namang duda na maraming nagawa ang NCFP sa taong ito kaya naman nakita ito marahil ng PSC para ilagay ang chess sa priority list,” wika ni NCFP executive director at GM Jason Gonzales.

Ang isang sport na nasa priority list ng PSC ay mabibigyan ng mas ma­la­king pondo para makahubog ng mahuhusay na manlalaro.

Bukod sa chess ay nasa listahan din ang athle­tics, archery, boxing, billiards, taekwondo, wushu, wrestling, judo at karatedo.

Ang judo at karetado ay mga bagong pasok din sa talaan at kasama ng chess, kanilang pinalitan ang swimming, weightlifting at bowling.

“Sa pagkakaroon ng mas malaking pondo ay ma­daragdagan ang ating mga local tournaments at puwede ring madagdagan ang mga international tournaments na ating sasalihan para ma-develop ang mga chess players. Hinihingi ko lang ang patuloy na suporta at pagkakaisa ng mga opisyales, players, mga arbiters at iba pang sumusuporta,” ani pa Gonzales.

Isang palaro sa Rapid at Standard ang inaasahang gagawin ngayon hanggang Linggo sa PSC Athlete’s dining hall bilang huling local event sa taong 2014.

 

Show comments