Kobe Paras tinulungan ang LA Cathedral sa korona

Kobe Paras (file photo)

MANILA, Philippines - Mula sa kanyang ma­gagandang inilaro sa Los Angeles Cathedral sa isang Southern California high school tournament ay nagsimula na si Kobe Paras, anak ni PBA roo­kie Most Valuable Player Benjie Paras, na mapalapit sa kanyang pangarap na makapag­laro sa NBA.

Tinulungan ng 6-foot-6 na si Paras, nagsimulang maglaro ng high school ball para sa La Salle-Greenhills bago nagtungo sa LA nga­yong taon, ang Cathedral na sikwatin ang come-from-behind 65-63 victory para makamit  ang San Fernan­do Valley Invitational title.

Bagama’t ang triple ng kakamping si Milan Acquaah ang naggiya sa Cathedral sa tagumpay, isa naman si Paras sa namayag­pag para sa kopo­nan nang magposte ng average na 16 points sa lahat ng kanilang anim na panalo, tampok dito ang isang 30-point performance sa kanilang 77-67 semifinal win kontra sa Alema.

Dahil dito, hinirang si Paras sa All-Tournament Team.

“Great win! Thank you to everyone who watched! & a big s/o to Chaminade and the Chaminade SS! I hope my school has a SS section like that,” sabi ni Paras sa kanyang Twitter account @Im_Not_Kobe.

Ginagamit ni Paras ang kanyang United States experience para sa katuparan ng kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.

Nakatakdang maglaro si Paras para sa US NCAA Division I team na UCLA Bruins.

 

Show comments