Laban ni Donaire sa Pinas idaraos

MANILA, Philippines - Alam ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang paraan para muling maibalik ang ningning sa boxing career ni Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.

Plano ni Arum na ibalik ang 2012 Fighter of the Year awardee sa super bantamweight division kung saan siya nagposte ng mga knockout win.

Sinabi ng 83-anyos na promoter na malaki ang posibilidad na maidaos ang laban ni Donaire sa susunod na taon sa Pilipinas.  At ito ay maaaring maitakda sa Abril o Mayo ng 2015.

Huling napanood ng kanyang mga Filipino fans sa aksyon ang tubong Talibon, Bohol sa Pilipinas noong 2009 nang dominahin niya si Raul Martinez.

Kasalukuyang bitbit ng 32-anyos na Filipino bo­xing star ang kanyang 33-3-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 knockouts.

Tinalo ni Donaire si Simpiwe Vetyeka ng South Africa noong Mayo 31 para sa  WBO (Super) featherweight title sa The Venetian sa Macau, China.

Ito ang unang laban ng tubong Talibon, Bohol matapos mabigo kay Guil­lermo Rigondeaux ng Cuba noong Abril 13, 2013 para sa WBA Super at WBO super bantamweight belts at manalo kay Vic Darchinyan ng Armenia sa isang non-title fight para sa rematch.

Ito rin ang unang pagkakataon na sumabak si Donaire sa featherweight class matapos maghari sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight divisions.

Noong Oktubre 18 ay natalo si Donaire kay Nicholas Walters ng Jamaica via sixth-round technical knockout sa kanilang featherweight championship fight.

 

Show comments