Davao sisimulan na ang paghahanda sa 2015 Palaro

MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Davao del Norte ang pagpapaganda at pagsasaayos sa mga pasilidad na gagamitin sa pag-host ng 2015 Pala­rong Pambansa.

Ito ang tiniyak ni Davao del Norte Governor Rodolfo del Rosario matapos mapili ang kanyang nasasakupan para gawin ang pinakamalaking kompetisyon sa mga schooled athletes sa elementary at high school na gagawin mula Mayo 3 hanggang 9.

Ang Davao del Norte Sports Complex ang siyang sentro ng kompetisyon na matatagpuan sa Tagum City.

May eight-track oval ang complex bukod sa Olympic-size swimming pool at warm up pool. Makikita rin sa lugar ang multi-purpose gym, dalawang tennis courts at isang club house.

Ang ibang laro ay gagawin sa ibang lugar at tiniyak ng Gobernador na walang dapat ipag-alala ang mga sasali at bisita kung seguridad ang pag-uusapan dahil handa ang Davao del Norte Provincial Police Office na pamahalaan ito.

Tinatayang nasa 10,000 atleta, opisyales at mga bisita mula sa 17 rehiyon ang tutungo sa Davao Del Norte para sa Palaro.

Ito ang unang pagkakataon na gagawin sa nasabing lugar ang Palaro pero handa ang Davao Del Norte dahil naisagawa na rito ang 2013 Batang Pinoy Mindanao leg, the 2014 Private Schools Athletic Association, Davao Region Athletic Association at ang Philippine Football Federation Regional Qualifiers.

Show comments