MANILA, Philippines - Natalo sina Charly Suarez at Mark Anthony Barriga sa AIBA Pro Boxing (APB) Cycle 1 Matches para maunsiyami ang tangkang puwesto sa Rio de Janiero Olympics sa 2016.
Si Suarez ay natalo kay Beijing Olympian Hurshid Tojibaev sa lightweight na ginawa sa Daulet Sports Complex sa Astana, Kazakhstan.
Ibinigay ni Swedish judge Stefan Nordin ang 58-56 iskor pabor kay Suarez habang si Moldovan judge Anatoli Kaigorodov ay kumiling kay Tojibaev, 58-56. Ang English judge na si Raymond Morley ay may 57-57 tabla.
Pero sa countback ay nanalo si Tojibaev para mamaalam si Suarez.
Si Barriga na nakapaglaro sa London Olympics ay natalo kay Bin Lyu ng China sa light flyweight division na ginawa sa Lingnan Pearl sa Foshan, China.
Dalawang hurado--sina Vuong Trong Njia ng Vietnam at Greek Evangelos Bougiukas ang nagbigay ng 59-55 at 58-56 iskor kay Lyu para maisantabi ang 58-56 panalo para kay Barriga na ibinigay ng French judge na si Fathi Madfoua.
Ang APB ay isang qualifying event para sa 2016 Olympics at aabante ang mangungunang boksingero sa bawat dibisyon.
Bagamat wala na sina Suarez at Barriga, puwede pa silang makapasok sa 2016 Games gamit ang ibang qualifying tournament na itatakda ng AIBA.