MANILA, Philippines - Maging ang team owner ng Talk ‘N Text Tropang Texters na si Manny V. Pangilinan ay hindi natuwa sa tawagan na nangyari sa Game Two kontra sa San Miguel Beermen noong Linggo na napagwagian ng huli, 87-81.
“We can’t win these games with bad referee calls,” wika ni MVP sa kanyang twitter.
Ang pahayag ay ginawa matapos ang paglalabas din ni Tropang Texters coach Jong Uichico na kumakampi ang mga referees sa San Miguel Beermen sa panayam sa mga mamamahayag matapos ang laro.
“It’s a given when you’re playing the San Miguel group. I’ve been there,” wika ni Uichico.
Si Uichico ay naging coach ng Beermen mula 1999 hanggang 2006 at nagbigay siya ng apat na titulo.
Ang pahayag na ito ay hindi nagustuhan ni San Miguel Beermen Governor Robert Non at agad na tinawag ang atensiyon ni PBA Commissioner Atty. Chito Salud para umaksyon.
“I am calling on Commissioner Salud to look into these unfounded accusations of Coach Uichico in the spirit of sportsmanship that is one of the cornerstones of any sports. In San Miguel, we take pride in doing our business in a manner that is just, fair and transparent, more so in sports,” wika ni Non sa kanyang press statement kahapon.
Idinagdag pa niya na ang Talk ‘N Text ay nanalo rin ng mga kampeonato laban sa mga koponang pag-aari ng San Miguel Corporation pero ni-isang beses ay hindi nila sinabing nadedehado sila sa tawagan kaya’t natalo.
Idinagdag pa ni Non na ang pagkatalo ng Tropang Texters ay hindi dahil sa mga referees kundi dahil sa diskarte ni Uichico.
“Obsiously, it’s not the referees but their coach (Jong) who seems at a loss on how his team was beaten twice. Finding solace in blaming the referees is a lame excuse. He should know better that a game is won not by intimidating the officials but preparing your team well. Obviously, he wasn’t able to do his part in that respect,” dagdag ni Non.