MANILA, Philippines – Naospital si boxing legend Muhammad Ali dahil sa pneumonia subalit inaasahang makakarekober dahil maaga itong nakita, ayon sa spokesman.
Ipinasok ang 72-anyos na si Ali sa isang ospital na hindi ibinunyag ang lugar at kasalukuyan nang ginagamot ng isang grupo ng mga duktor, sabi ni spokesman Bob Gunnell.
“Because the pneumonia was caught early, his prognosis is good with a short hospital stay expected,” wika ni Gunnell sa isang statement.
Hindi na ibinigay ng spokesman ang kondisyon ni Ali.
Huling nakita ang boxing great, may Parkinson’s disease, sa publiko noong Setyembre nang dumalo sa Muhammad Ali Humanitarian Awards sa Louisville, Kentucky.
Isang three-time world heavyweight champion, si Ali ay nagkaroon ng Parkinson’s disease halos tatlong taon matapos siyang magretiro sa boksing noong 1981.