DALLAS – Ngayon pa lamang ay mayroon nang makakatuwang ang bagong hugot na si Rajon Rondo sa backcourt ng Dallas Mavericks.
Dinuplika ni Monta Ellis ang kanyang season high nang tumapos na may 38 points, kasama rito ang 11 sa huling apat na minuto ng fourth quarter, para pagbidahan ang 99-93 panalo ng Mavericks kontra sa San Antonio Spurs.
Binasag ni Ellis ang 93-93 pagkakatabla mula sa kanyang salaksak sa huling 1:48 minuto para selyuhan ang panalo ng Dallas.
Natikman naman ng Spurs ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan.
Nagposte si Rondo, ang four-time All-Star na naglaro ng walong seasons para sa Boston Celtics, ng 6 points mula sa 3-for-11 fieldgoal shooting sa kanyang debut game para sa Mavericks.
Nagdagdag siya ng 9 assists at 7 rebounds.
Nalimita si Dirk Nowitzk sa 13 points buhat sa kanyang 4-of-14 shooting.
Pinangunahan ni Marco Belinelli ang San Antonio sa kanyang 21 points kasunod ang 16 ni Aron Baynes.
Ipinahinga ng Spurs sina veterans Tim Duncan at Manu Ginobili at hindi pinaglaro sina Danny Green at Tiago Splitter, habang may injury sina Tony Parker (hamstring), Kawhi Leonard (hand) at Patty Mills (back).
Sa New York, kumolekta si Eric Bledsoe ng 25 points at 10 rebounds at nagdagdag si Isaiah Thomas ng 22 points para tulungan ang Phoenix Suns sa 99-90 pananaig sa Knicks.
Ito ang pang-pitong sunod na home loss ng Knicks, hindi pa nananalo sa MSG matapos talunin ang Philadelphia noong Nov. 22.
Nalasap ng New York ang kanilang ikaapat na sunod na kabiguan para sa kanilang 5-24 record.
Sa iba pang laro, pinatumba ng Portland ang New Orleans, 114-88; dinaig ng LA Clippers ang Milwaukee, 106-102; tinalo ng Denver ang Indiana, 76-73; at pinabagsak ng Atlanta ang Houston, 104-97.