MANILA, Philippines – Sa unang buwan pa lamang ng susunod na taon ay magiging abala na si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ngunit wala itong kaugnayan sa boxing.
Tatayong judge si Pacquiao sa alinman sa 2015 Miss World o Miss Universe, ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“The only thing we’re planning with Pacquiao is that he’s going to be a judge at one of these beauty contests--Miss World or Miss Universe, the one in Miami, in January,” sabi ni Arum sa panayam ng The Telegraph.
Kung sakali ay ito ang unang pagkakataon na magiging hurado si Pacquiao ng isa man sa naturang bigating beauty contest.
Matapos ang naturang aktibidad ay inaasahan nang magiging abala ang 36-anyos na Filipino boxing superstar para sa kanyang susunod na laban.
Isa na rito ay ang inaabangang super fight nila ni Floyd Mayweather, Jr. na gustong itakda ng American world five-division titlist sa Mayo 2.
Ngunit tutol si Arum sa pagtatakda ng Pacquiao-Mayweather mega showdown sa naturang petsa na mas kilala bilang ‘Cinco De Mayo’.
“Everybody agrees with that, except Mayweather,” sabi ni Arum. “He is putting his ego before respect for people. April or June would be fine for that fight (Mayweather-Pacquiao). What difference does it make?”
Maliban kay Arum, hindi rin payag si dating world champion Canelo Alvarez ng Mexico na gawin ang naturang laban sa Mayo 2.
Inirereserba ang naturang petsa para sa banggaan nina Alvarez at Miguel Cotto ng Puerto Rico.
“I think it’s disrespectful to the Mexican people not to have Canelo fight on their holiday,” ani Arum. “I see Mayweather as poaching on a Mexican holiday and being disrespectful to the Mexican people.”
Idinagdag pa ng promoter na maaaring itakda ang banggaan nina Pacquiao at Mayweather sa Abril o Hunyo ng susunod na taon.