MANILA, Philippines - Tinapik ng five-man committee na nangangasiwa ngayon sa Philippine volleyball si Roger Gorayeb para siyang manguna sa pagbubuo ng women’s U23 national team na lalaro sa 1st Asian Volleyball Confederation (AVC) U23 Championship sa bansa mula Mayo 1 hanggang 9.
Sa panayam kahapon kay POC 1st Vice President at pinuno ng komite na si Jose Romasanta, sinabi niyang nagkausap na sila ni Gorayeb at tanggap niya ang opportunidad na mapaglingkuran uli ang bansa bilang head coach ng isang Pambansang koponan.
“Our primary concern now is the formation of the U23 team considering we are hosting the tournament. Coach of the team is Roger Gorayeb who coached a hastily formed women’s team that competed last year in the FIVB World Women’s Championship qualifying in Vietnam. In fairness to coach Roger, he should be given the chance to coach this team,” wika ni Romasanta.
Sa hiwalay na panayam kay Gorayeb na head coach din ng multi-titled San Sebastian Lady Stags, naringgan siya ng pananabik para muling humawak ng pambansang koponan.
“Kahapon lang ako tinawagan ni Sir Joey at wala pang definite. Pero sinabi ko na kung kailangan talaga nila ang serbisyo ko ay hindi ako tatanggi dahil gusto ko ring tumulong,” wika ni Gorayeb.
Ang tryout ay gagawin sa unang mga linggo ng Enero at idinagdag pa ni Romasanta na bukas ito sa lahat ng manlalaro na nais na maisuot ang Pambansang uniporme.
Kasama ni Romasanta sa 5-man board sina POC legal adviser Atty. Ramon Malinao, Ricky Palou, Chippy Espiritu at Mossi Ravena.
Ang five-man board ay binuo ng POC dahil sa pagkakaroon ng kaguluhan sa liderato ng PVF.
Ang mga koponang papasok sa championship round ay makakaabante sa 2nd FIVB Women’s U23 na gagawin sa Turkey mula Agosto 12 hanggang 19.