Laro Ngayon (Mall of Asia Arena, Pasay City)
7 p.m. Rain or Shine vs Alaska
MANILA, Philippines – Tandang-tanda pa ni point guard JVee Casio ang nangyari sa laro ng Alaska at Rain or Shine sa Game Four sa kanilang best-of-five semifinals series ng nakaraang PBA Governors’ Cup.
Sa huling minuto ng final canto ay nadulas si Casio para sa isa sanang fastbreak layup.
“Tapos na ‘yun. It’s a new conference now. We got to prepare hard kasi gusto naming manalo,” wika ni Casio, hindi na nakalaro sa Game Five kung saan nanalo ang Elasto Painters sa Aces sa overtime, 97-94.
Pipilitin ng Alaska na makabangon mula sa naturang bangungot sa pagsagupa sa Rain or Shine sa semifinal round ng 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Nakatakda ang Game One ng kanilang best-of-seven semifinals series ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang depensa ang tututukan ng Aces sa kanilang serye ng Elasto Painters.
“Siguro mas hihigpitan namin ‘yung depensa namin against Rain or Shine. Iyong limang nasa loob (ng court) walang bibitaw doon,” sabi ni small forward Calvin Abueva.
Maliban kina Abueva at Casio, aasahan rin ng Alaska sina Cyrus Baguio, Sonny Thoss, Vic Manuel at beteranong si Eric Menk.
Ipaparada namang muli ng Rain or Shine sina Jeff Chan, Paul Lee, Ryan Araña, Beau Belga at JR Quiñahan.
Ang Elasto Painters ang unang koponang pumitas sa isa sa dalawang automatic semifinals berth matapos itala ang 9-2 record.
Hangad ng Rain or Shine ang kanilang ikatlong sunod na finals stint sa Philippine Cup.
Tinalo ng Elasto Painters ang Aces, 98-95, sa kanilang unang pagkikita sa eliminasyon.
“Handang-handa na kami,” sabi ni head coach Yeng Guiao sa matagal na pagkakabakante ng Rain or Shine na hindi na dumaan sa dalawang knockout stage ng quarterfinals kumpara sa Alaska ni American mentor Alex Compton.
“In fact we feel it’s given us a much needed rest to refresh us for the gruelling series ahead. It’s going to be an exciting series which can go seven games,” dagdag pa ni Guiao.
Samantala, sisimulan naman ng San Miguel, ang ikalawang kumuha ng outright semis ticket, at Talk ‘N Text ang kanilang semis showdown bukas ng alas-7 ng gabi sa MOA Arena.
Binigo ng Tropang Texters ang Ginebra Gin Kings, 83-67, sa ikalawang knockout phase ng quarterfinals para labanan ang Beermen sa semis.