MANILA, Philippines – Nakikita ng promoter na si Sampson Lewkowicz na mas magiging malakas si dating International Boxing Federation (IBF) junior flyweight champion na si John Riel Casimero sa pinaglalaruan ngayong flyweight division.
Bumalik ng ring si Casimero noong Disyembre 13 sa Salon Las Palmas, Monterrey, Mexico at pinatulog sa ikalawang round si Armando Santos para sa IBF flyweight title elimination.
“He looked unbelievably strong and powerful at the new weight and he will be impossible to beat when he is in the shape he was in tonight,” wika ni Lewkowicz sa ipinakita ni Casimero.
Ang 24-anyos na tubong Cebu City boxer ay may 21 panalo matapos ng 23 laban at nakabangon matapos mawala ang IBF light flyweight title noong Mayo 3, 2014 dahil hindi niya nakuha ang tamang timbang sa laban kontra kay challenger Mauricio Fuentes ng Colombia na ginawa sa Cebu City.
Naibangon naman ni Casimero ang puri kahit paano sa gabing iyon nang patulugin niya ang bisita sa 2:59 ng unang round.
Dahil nakikitang wala na magiging problema sa timbang kaya’t ramdam ni Lewkowicz na makakatikim muli ng kampeonato si Casimero.
“At full flyweight, he can train and not starve and now we see he is as powerful as ever. Maybe even more powerful,” dagdag ng promoter.
Ang Thai na si Amnat Ruenroeng ang siyang kampeon at idedepensa niya ang titulo sa Marso 7, 2015 laban sa Olympian na si Zou Shiming ng China.
Matapos ang labang ito ay saka dedesisyunan kung isasalang na sa isang title fight si Casimero.