Hanggang walang kontratang napipirmahan ay hindi ako maniniwalang matutuloy ang laban nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather sa darating na Mayo.
Nagsalita si Mayweather nung isang araw na handa na raw siyang lumaban kay Pacquiao.
Pero siguradong maraming hihingin si Mayweather na baka maging dahilan ng panibagong gulo sa magaganap na negosasyon kung maganap man.
Babaratin ni Mayweather si Pacquiao sa hatian ng pera. Kung dati ay binigyan niya si Pacquiao ng offer na $40 million ay duda akong ibibigay niya ito ulit.
Nilinaw ni Mayweather na hindi puwede maging parehas ang hatian. Hindi niya makalimutan na natalo si Pacquiao ng dalawag beses nung 2012 kahit na naipanalo ni Pacquiao ang huli niyang tatlong laban.
Ang gusto rin ni Mayweather ay wala nang kikitain si Pacquiao sa pay-per-view sales. Kung baga ay pakyawan ang gusto niya kay Pacquiao.
Sabihin na nating pumayag si Pacquiao sa kikitain niya, ilalatag naman ni Mayweather ang issue sa timbang.
Baka gustuhin niyang maglaban sila sa 154 pounds.
Kung umalma si Pacquiao, sasabihin ni Floyd na bakit dati ay kinaya niyang labanan si Antonio Margarito sa catchweight na 151 pounds.
Sabihin na natin ulit na pumayag si Pacquiao at magiging issue naman ang gloves. Ngayon pa lang ay naiulat nang gusto ni Mayweather ang 10 ounce gloves.
Mas malaki at mas makapal ang foam nito. Sanay si Pacquiao sa 8 ounce gloves na tinatawag na puncher’s gloves. Sa 10 ounce ay baka mabawasan ang epekto ng mga suntok ni Pacquiao.
May drug testing pa na puwedeng maging issue. O kaya ay ang venue. O kaya ay ang kulay ng shorts at ng sapatos.
Kung saan kumportable si Pacquiao ay ilalayo siya ni Mayweather.
Ganyan katindi ‘yan.