MANILA, Philippines – Tatlong manlalaro ng nagdedepensang kampeon na Ateneo Lady Eagles ang nangunguna sa apat na individual awards sa pagtatapos ng aksyon sa 2014 sa UAAP women’s volleyball.
Nangunguna sa Lady Eagles ang nagdedepensang Most Valuable Player (MVP) ng liga na si Alyssa Valdez na lumabas bilang Best Spiker at Best Server ng liga.
May 68 spikes sa 150 attempts si Valdez para sa nangungunang 45.33 success rate habang may 10 aces na siya matapos ang 58 attempts para sa .83 average per set.
Pumapangalawa rin si Valdez sa scoring sa 81 total hits (68 kills, 3 blocks at 10 aces) para ipakitang palaban pa rin siya kung pagiging pinakamahusay na manlalaro sa liga ang pag-uusapan.
Sina Julia Melissa Morado at Jorella Marie De Jesus ang lumabas bilang nangunguna sa Best Setters at Best Receivers para makatulong sa 4-0 panimula ng nagdedepensang kampeon na Ateneo.
Ang sophomore na si Morado ay nakagawa na ng 128 running sets at 188 still sets bukod pa sa dalawang faults para sa 318 total at magkaroon ng 10.67 average per set.
Si De Jesus naman ay may 32 excellent sets at 2 faults sa 69 attempts para sa 43.48 efficiency rating.
Hindi naman nagpapahuli ang mga beterana ng La Salle Lady Archers na sina Ara Galang at Mika Reyes para ipakita kung bakit nangunguna ang dating kampeon sa 5-0 karta.
Una si Galang sa pagpuntos sa 105 total hits mula sa nangungunang 82 kills bukod sa 13 blocks at 10 aces. Siya ay may 17.5 hits average kada laro.
Malakas rin ang laban ni Reyes para sa pagiging Best Blockers sa kanyang itinalang 17 blocks tungo sa isang block average kada set. (AT)