MANILA, Philippines - Sapat ang ipinakitang puwersa ng nagdedepensang kampeon Perpetual Help Lady Altas para kunin ang 25-18, 25-11, 25-15, panalo sa San Beda Lioness sa 90th NCAA women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumipak ang Lady Altas ng 38-13 kalamangan sa attack points at sinabayan ito ng mga reception errors ng Lioness tungo sa 10-3 bentahe pa sa service ace upang angkinin ng Perpetual ang ikapitong panalo matapos ang walong laro.
Sina Jamela Suyat at Ana James Diocareza ay may 11 at 10 puntos para sa Perpetual na katabla uli ang San Sebastian Lady Stags sa ikalawang puwesto sa 7-1 baraha kasunod ng walang talong Arellano Lady Chiefs (7-0).
Ang tatlong koponang ito ay pasok na sa Final Four habang ang huling upuan ay pinag-aagawan pa ng St. Benilde Lady Blazers (5-2) at host Jose Rizal University Lady Bombers (5-3).
Ikaanim na sunod na kabiguan ito ng San Beda na binalikat ni Debbie Dultra sa kanyang anim na hits.
Hindi nagpaiwan ang men’s champion Perpetual Help Altas na ginulpi rin ang San Beda Red Lions, 25-15, 25-14, 25-17, para sa pumapangalawang 6-1 baraha.
Tinalo ng Lyceum Lady Pirates ang Mapua Lady Cardinals, 22-25, 25-14, 25-12, 25-17, sa labanan ng parehong talsik na koponan.
Doble kasiyahan ang natamo ng Lyceum dahil ang Pirates ay umukit din ng 25-17, 26-28, 25-20, 25-21, panalo sa Cardinals sa kalalakihan. (AT)