Dahil kay Ruby ay hindi natuloy ang 38th Milo Marathon National Finals nung Linggo sa Mall of Asia.
Ikinatakot ng organizers ang hagupit ni Ruby at baka makasama sa mga contestants.
May ibang sports events din na kailangan ikansela dahil sa banta ng bagyong Ruby na ayon sa mga reports ay kayang daigin ang tindi ni Yolanda.
Naniguro lang ang mga organizers.
Sayang nga lang dahil nung Linggo ay wala ni isang patak ng ulan ang dumapo sa buong ruta ng nasabing marathon.
Tuyo ang daan at makulimlim ang panahon. Tamang-tama sana para sa isang marathon.
Mahirap mag-organisa ng event na kasing laki ng Milo Marathon. Buwan ang preparasyon. Permit dito. Permit doon.
Isipin mo na lang ang katakut-takot na requests para maipasara mo ang mga kalyeng dadaanan ng karera.
At maging sa Mall of Asia, hindi ganun kadali mag-set ng petsa para sa isang major event.
Pati na rin sa mga participants na halos kalahating taon nagprepara para sa karera. Nag-train na sila ng husto para sa marathon.
Nanggaling pa sa malayong probinsiya ang iba. May nanggaling pa sa ibang bansa.
Nag-announce ang organizers sa pamumuno ni Robbie de Vera ng Milo at si coach Rio dela Cruz nung Sabado na kanselado ang marathon.
Humingi sila ng paumanhin.
Sigurado akong maraming nanghinayang.
Pero walang dapat sisihin. Ang safety ng lahat ang inisip ng mga organizers. Labag sa kanilang kaloobang i-cancel ang karera. Kaya lang, kinailangan nila itong gawin.
Wala tayong control sa panahon kaya kahit na-delay ang mahinang pagdating ni Ruby sa Metro Manila ay tama pa rin ang desisyong ipatigil ang karera.
Better safe than sorry.
Marami pa namang araw.