GENERAL SANTOS CITY, Philippines -- Kagaya ng dapat asahan, madaling tinalo nina Efren “Bata” Reyes at Mika Immonen ang kanilang mga kalaban para sa opening round ng Philippine Open 10-Ball Championship dito sa SM City Mall.
Ipinakita ng 60-anyos na si Reyes, ang ‘living legend’ ng Philippine billiards, ang kanyang eksperyensa nang gibain si Jerome Adolfo, 9-2, habang dinomina ni Immonen si John Salazar, 9-2, sa nasabing $150,000 tournament na itinataguyod ni Cong. Manny Pacquiao.
Si Pacquiao ay ginitla ni John Plunkett ng United States, 9-8, para idiskaril ang pag-abante ng eight-time boxing champion sa second round ng nasabing double-knockout tournament.
Hawak ni Pacquiao ang 8-7 bentahe bago siya naresbakan ni Plunkett para kunin ang panalo.
“This single victory feels like a million,” sabi ni Plunkett matapos talunin ang Sarangani Congressman sa kanilang laro.
Naglista naman ng kanilang mga panalo sina local bets Leo Bayet, Godofredo Ducanes, Archie Padal, Benjie Guevarra, John Rebong, Johann Chua at Christian Gariando.