Azkals pumuwersa ng draw sa Thailand
MANILA, Philippines – Kailangang ipakita ng Philippine Azkals ang kanilang tibay at masidhing determinasyon para maisalba ang kampanya para sa puwesto sa championship round sa 2014 AFF Suzuki Cup.
Tinapos ng Azkals ang 14-game losing skid mula noong 1971 laban sa Thailand nang mauwi sa 0-0 scoreless draw ang kanilang unang laro sa semifinals noong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Football field.
May panghihinayang si German-American coach Thomas Dooley sa pangyayari pero dapat pa ring ipagmalaki ang nagawa ng Azkals.
“We didn’t win but we should be happy with the way we played. This game was another step forward,” wika ni Dooley.
Sa Miyerkules ay lilipat ang labanan sa Rajamangala Stadium sa Bangkok,Thailand para sa home game ng War Elephants.
Nakikita ng dating US football team captain na si Dooley ang nag-uumapaw na stadium para suportahan ang kanilang national team kaya’t dapat na maging handa ang Azkals sa nasabing sitwasyon.
Kailangan ng Azkals na makahirit ng scoring draw para umabante sa kauna-unahang pagkakataon sa Suzuki Cup Finals laban sa mananalo sa pagitan ng Vietnam at Malaysia.
“Our performance proved we can compete at this level,” wika naman ni ace striker Phil Younghusband na nagkaroon ng dalawang attempts pero nasawata ng goalie ng Thais na si Kawin Thamsatchanan.
- Latest